Tuko, nagdulot ng brown-out sa ilang bahagi ng Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 02:06 PM | Updated as of Jan 11 2019 06:35 PM

Nawalan ng kuryente sa ilang barangay ng Puerto Princesa, Palawan umaga ng Biyernes dahil sumabit umano ang isang tuko sa linya ng kuryente. 

Sa Facebook post  ng Palawan Electric Cooperative (Paleco), makikitang nakalambitin ang isang tuko sa linya ng kuryente sa harap ng Sta. Monica Parish Church. 

Dahil sa tuko, pansamantalang nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng Barangay Iwahig at Barangay Sta. Monica. 

Halos isang oras nagtagal ang brownout at naibalik lamang ang suplay ng kuryente bago mag alas-7 ng umaga Biyernes.

Ayon kay Paleco spokesperson Claire Herrera, nakita ng isang lineman na nakalambitin sa kable ng kuryente ang tuko--na patay na nang matagpuan. 

Sensitibo din umano ang mga kable ng Paleco na kahit sanga o maging ang isang ibon na papatong ay maaaring makaapekto sa daloy ng kuryente. 

“At ano po ang dahilan na kaunting tuko, ibon o palapa ng niyog na bumalagbag nawawalan po tayo ng daloy ng kuryente? Ito po ay dahilan sa paulit-ulit naming sinasabi na napaka-sensitibo po ng linya ng kuryente ng atin pong Palawan Electric Cooperative,” aniya.

Ayon kay Herrera, layon nilang maresolba ang problema sa kable sa pag-utang ng P263 milyon National Electrification Administration para mapaayos ang kanilang linya. 


-- May ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.