Tricycle driver patay nang mabangga ng bus at trak sa Silay

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 06:39 PM

Namatay rin matapos na isugod sa pagamutan ang isang lalaki matapos na mabangga ang minamaneho niyang tricycle ng isang bus at truck sa Barangay Guinhalaran, lungsod ng Silay. Larawan mula sa Silay City Police 

SILAY CITY, Negros Occidental—Patay ang isang lalaki matapos na mabangga ang minamaneho niyang tricycle sa isang bus at truck sa Barangay Guinhalaran sa lungsod na ito, Huwebes ng gabi.

Ayon sa pulisya, maaaring balak ng biktimang si Rene Sayon na mag-U-turn sa highway ng Rizal nang mabangga ng bus na patungong Bacolod ang likuran ng kaniyang tricycle.

Sa lakas ng impact, napunta sa kabilang lane ang tricycle at nabangga naman ito ng kasalubong na truck.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.

Nakakulong na ngayon sa pulisya ang 35-anyos na driver ng bus na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. 

Dagdag pa ng pulisya na kinuha rin nila ang driver’s license ng nagmamaneho ng truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.