Rambol sa basketball nauwi sa saksakan; 1 patay, 2 sugatan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 12:28 PM

Naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang magkapatid na suspek. Larawan mula sa Tagbina Municipal Police Station 

Magkapatid na suspek, arestado

TAGBINA, Surigao Del Sur - Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kalaro sa basketball sa Purok 1, Barangay Kahayagan, Huwebes ng hapon. 

Ayon sa imbestigasyon, naglalaro ng basketball ang mga biktima at ang magkapatid na suspek nang biglang magkainitan at nauwi sa rambolan. 

Pero bumunot ng kutsilyo si Lestlie Percalin at sinaksak sila Jason Lumontad, Jonathan Lumontad at Joy Indita. 

Agad tumakas ang suspek kasama ang kapatid nitong si Jenises Percalin.

Sugatan na dinala sa ospital si Jonathan at Joy pero binawian na ng buhay si Jason. 

Sa ginawang pursuit operation, nahuli ang magkapatid na suspek sa Mangagoy Bus terminal sa Bislig City. 

Kinasuhan na sila ng pulisya ng kasong homicide at double frustrated homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.