MPD official na 'nanakit' sa 3 bagitong pulis, sinibak

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 04:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalis sa kanyang puwesto ang isang opisyal ng Manila Police District matapos umanong manakit ng tatlong bagitong pulis noong Traslacion ng Itim na Nazareno.

Sinibak sa puwesto si Chief Inspector Alden Panganiban, deputy commander ng Gandara Police Community Precinct ng MPD, matapos ireklamo ng pananakit ng tatlong pulis. 

​Ayon sa mga nagreklamo, nainis umano si Panganiban sa kanila nang hindi makontrol ang pagdagsa ng mga deboto ng Nazareno sa kanilang puwesto sa Escolta, Maynila.

Pinagpapalo din umano nito ang tatlong bagitong pulis, na nagdulot ng pagkamanhid at pagkapasa sa kanilang mga daliri. 

Nainsulto rin umano ang mga pulis sa naging pagtrato sa kanila ni Panganiban na umano ay tila hindi nagpakita ng pagrespeto sa kanila bilang mga kapwa pulis. 

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director General Guillermo Eleazar, pansamantalang nasa “floating status” ang support unit ni Panganiban habang gumugulong ang imbestigasyon. 

Sa ngayon, wala pang pormal na reklamong inihahain ang mga pulis na dumaing kontra kay Panganiban. 

--Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.