'Matinding trapiko inaasahan sa pagsara ng Rockwell bridge'

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 08:25 PM | Updated as of Jan 11 2019 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matinding trapiko ang inaasahan sa nakaambang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge o Rockwell bridge na nag-uugnay sa mga lungsod ng Makati at Mandaluyong. 

Ito ay kasunod ng pagkumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ikakasa na sa Enero 19 ang pagsara ng tulay. 

Sa pagsasara ng tulay, ang dating 10 minutong biyaheng Makati-Mandaluyong at pabalik ay aabutin na ng mahigit isang oras. 

Dahil tuluyang papalitan ang tulay, kakailanganin pang umikot ng mga motorista at gamitin ang Mandaluyong-Makati bridge para makatawid patungo sa mga nasabing siyudad. 

Sa kabila nito, iginiit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) project engineer Virgilio Castillo na kailangan nang ituloy ang bridge closure para sa kaligtasan ng mga bumabaybay sa tulay. 

"During the feasibility study, ang dumadaan diyan, tumaas ang volume ng vehicles na gumagamit ng bridge, from 25,000 now it's 35,000," aniya.

Dagdag niya, ito ay para mapaghandaan na rin ng tulay kung sakaling tamaan ito ng malaking lindol. 

Naniniwala naman si MMDA General Manager Jojo Garcia na masosolusyunan nila ang problema sa trapik sa lugar pag pinalitan ang tulay. 

"May economic cost ang traffic. 'Pag na-traffic, raise ng manpower; 'pag na-traffic, mas maraming gasolina ang nagagamit, 'pag mas maraming gasolina ang magagamit, meron na namang impact iyan," ani Garcia. 

Magtatagal ng 30 buwan o tatlong taon at apat na buwan ang proyekto na nagkakahalagang P1.3 bilyon. 

Mula dalawang lanes, magiging apat na lanes na ang bagong bridge at lalagyan din ng daanan ng mga pedestrian. 

Magsasagawa rin ng road widening ang DPWH sa mga landing o approach ng bagong bridge para hindi mag-embudo ang mga sasakyan. 

Paliwanag ng DPWH, hindi maaaring isabay ang bridge replacement at road widening dahil hindi pa umano ayos ang right of way issues sa mga lugar na lalaparan. 

Problema rin daw ang alternate route dahil marami umanong kotse ang naka-illegal parking, ayon kay Garcia. 

Inabisuhan ng MMDA ang lahat ng nasa paligid ng Estrella-Pantaleon bridge na pagbabawalan ang pagparada, pagsasagawa ng construction, at maging ang pagbebenta sa lugar. 

Aayudahan ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong at Makati ang proyekto at susuportahan ang mga taong sasawata sa mga illegal parking at iba pang umano’y obstruction sa lugar. 

Humihingi ng paliwanag si Senador Grace Poe, public services committee chairman ng Senado, kung bakit kailangang isara ang buong tulay. 

"If the roads will not be widened then why replace a relatively new bridge with one that is four times its price?" aniya sa pahayag. 

Kinuwestiyon din ni Poe ang paggamit ng Chinese contractor sa pagpapalit ng tulay dahil sa umano’y maanomalyang pinasok at pinondohan nitong mga proyekto. 

Sinimulan nang maglagay ng signages sa lugar, at aabisuhan din ang lahat sa re-routing, na sisimulan alas-4 ng umaga, Enero 19.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.