Mag-asawang ibinubugaw, pinagtatalik ang 2 anak, timbog sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 07:00 PM

 Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Taguig City nitong Biyernes ang isang mag-asawa matapos ibugaw online at sa personal ang sariling mga anak. 

Inaresto ng Taguig police ang mag-asawa matapos makatanggap ang National Capital Region Police Office (NCRPO) hotline ng tip mula sa isang concerned citizen ukol sa ginagawang kahalayan ng mag-asawa sa kanilang 15 anyos na anak na babae at 13 anyos na anak na lalaki.    

Kuwento ni Superintendent Alexander Santos, hepe ng Taguig police, nilusob nila ang lugar na pinagtataguan ng mag-asawa. Nagkaroon umano ng habulan, at doon nakumpiska ang cellphone ng inang si alyas "May" at nakita ang mga mahahalay na video. 

Sa mga nakuhang video ng mga pulis, nakitang nakikipagtalik si May sa binatilyong anak.

Sa isang video, inutusan naman niya na gumawa ng kahalayan ang magkapatid.
    
Sinermonan ni NCRPO chief Director General Guillermo Eleazar ang mag-asawang sina alyas "Jerry" at May.

"Bakit mo naisip na gawin sa mga anak mo 'yan? Anong klaseng magulang kayo?" ani Eleazar.
    
Ang mga video, pinapadala ni May sa isang Amerikano sa Amerika kapalit ng P1,200. 

Kuwento ni May, 2013 pa niya nakilala ang Amerikano sa social media.
    
Buwan-buwan din umanong nagpapadala ng sustento ang Amerikano na ipinagkasundo rin niyang mapangasawa ng anak na babae.

Bukod sa mga video, nagawa rin niyang ibugaw ang dalagitang anak sa isang British national na naging kliyente niya sa pagmamasahe. Naka-record din ang pagtatalik ng dalawa.

Depensa ni May, malaki naman daw ang naitulong ng Amerikano at napag-aaral niya ang anak dahil dito.

Iginiit naman ni Jerry na wala siyang kaalam-alam sa mga nangyari dahil maghapon daw siyang nasa trabaho bilang janitor at carwash boy.
    
Nakuha na ng mga pulis ang detalye ng dalawang banyaga na parehong tinutugis na. 

"Identified 'yung foreigner na mga suspek, we will just wait for the warrant of arrest to be issued by the court and then once issued, gagawa tayo ng effort para mahuli sila, kahit nasa abroad sila," ayon kay Chief Superintendent Eliseo Cruz, direktor ng Southern Police District.
    
Nahaharap sa mga kasong anti-child pornography, anti-child abuse, anti-trafficking in persons, at rape in relation to anti-cybercrime law ang mag-asawa.
    
Dadalhin naman sa shelter ng Department of Social Welfare and Development ang magkapatid.


—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.