Kampo ni 'Bato' pumalag sa puna ng Comelec sa ipalalabas na pelikula

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 09:19 PM

Tututukan ng Commission on Elections (Comelec) ang showbiz appearances ng mga artistang kandidato sa halalan sa Mayo oras na magsimula na ang nakatakdang campaign period para sa mga pambansang posisyon sa Pebrero 12.

Ito'y sa gitna ng isyu ukol sa posibilidad ng disqualification ni senatorial candidate Ronald "Bato" dela Rosa kung sakaling ipalabas ang pelikula ng kaniyang buhay na pagbibidahan ni Robin Padilla.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, posible itong maging problema.

"If there’s a movie or a television show that deals with the life of a candidate or the personality of the candidate, or featuring the candidate as an actor portraying someone else, that cannot be shown during the campaign period," ayon sa opisyal.

"Exhibition during the campaign period is likely to be counted as an election offense and election offenses can be punishable by disqualification," dagdag ni Jimenez.

Agad namang nagpaliwanag ang kampo ni Dela Rosa at sinabing wala silang lalabaging panuntunan ng Comelec. 

"The premiere night will be on January 29, airing will be on January 30 until February 11... So what's the issue there? We know naman our parameters kaya by February 12 may ban na," ani Arnold Vegafria, manager ni Dela Rosa at producer ng kaniyang pelikula.

Buwelta rin ng kampo ni Dela Rosa, bakit daw sila lang ang pinupuntirya ng Comelec.

"Bakit 'yung si Lito Lapid, running for Senate pero andiyan pa sa 'Ang Probinsyano'... Tanungin din si Lito...Hindi naman si Bato ang lumalabas sa pelikula kundi istorya niya lang," depensa ni Vegafria.

Tiniyak naman ng anak ni Lapid na si Mark Lapid na susunod sila sa Comelec guidelines. Nasa kamay na daw ng Dreamscape creatives kung paano ang magiging transition ng karakter ni Lapid sa serye.

Susubaybayan naman ng Comelec kung titigil na ang showbiz appearances ng mga kandidatong sa local positions gaya nina Edu Manzano, Roderick Paulate, at Jhong Hilario sa Marso 30, ang umpisa ng campaign period para sa mga lokal na kandidato.

-Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here