Dating barangay chairman patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 07:07 PM | Updated as of Jan 11 2019 08:23 PM

MAYNILA (UPDATE)—Patay ang isang dating barangay chairman matapos pagbabarilin sa Sta. Cruz sa lungsod na ito Biyernes.

Ayon sa mga pulis, nakatambay sa tapat ng bahay sa Felix Huertas ang 49-anyos na biktimang si Elpidio “Peter” Bautista nang siya ay pagbabarilin.

Dalawang lalaki umano ang lumapit sa biktima at isa sa kanila ang nagpapaputok ng baril ng maraming beses.

Maraming tama sa katawan ang biktima na naisugod pa sa Chinese General Hospital ngunit binawian din ng buhay.

Mabilis na nakatakas ang mga salarin na kinikilala pa gamit ang mga kuha ng CCTV sa lugar.

Hindi pa malaman ang dahilan ng pagpatay sa biktima lalo’t sinasabi ng mga supporter nito na mabait at matulungin siya sa mga nasasakupan sa Barangay 365.

Matagal din nagsilbi si Bautista sa barangay bago siya pinalitan ng kaniyang misis sa nakalipas na eleksyon.

— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.