2 hinihinalang terorista arestado sa Maynila

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 06:30 PM

MAYNILA - Dalawang miyembro umano ng teroristang grupo ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod noong Disyembre.

Sa impormasyon na inilabas sa media nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Sudais Asmad at Jeran Aba ng Dawlah Islamyah na parehong gumagamit ng maraming alyas.

Unang naaresto si Asmad sa Binondo, kung saan sinasabing kumukuha siya ng suportang pinansyal sa mga sympathizers ng Dawlah Islamiyah, at para sa iba pang misyon.

Wanted si Asmad dahil sa pagdukot sa 15 empleyado ng Golden Harvest Plantation sa Zamboanga City noong 2011.

Naaresto naman si Aba sa Quiapo, kung saan siya ay umano'y nagpaplano ng pagbomba noong holiday season at sa iba pang malakihang pagtitipon.

Aminado si Aba na miyembro siya ng Moro Islamic Liberation Front noong 2016, at sumama sa giyera sa Marawi noong 2017.

Parehong nakumpiskahan ng mga armas ang mga nahuling suspek, na ngayon ay nasa kustodiya na ng National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.