2 babae nagsabunutan dahil sa parinigan sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 06:41 PM

Dalawang babaeng menor de edad ang nagsagupaan sa isang kalsada sa Zamboanga City. Ang dahilan ng kanilang away: isang post sa social media. Screengrab

Sapul sa cellphone video ang pagsasabunutan ng dalawang menor de edad sa kalsada ng Barangay San Roque, Zamboanga City noong Huwebes ng hapon.

Halos mahiga na sa daan ang dalawang babae dahil sa lakas ng kanilang paghatak sa buhok ng isa't isa.
    
May nakapalibot sa kanilang mga kabataan at matatanda pero imbes tumulong ay nanonood lang ang mga ito.

Pagkalipas ng ilang minuto, dumating ang mga kaanak ng magkabilang panig at pinaghiniwalay ang mga ito. Pero maya-maya pa, mga kaibigan at kaanak naman ng dalawa ang nagkainitan.

Sa panayam kay alyas "Anabel" na isa sa mga nakipagsabunutan, nagtamo siya ng ilang galos sa mukha at batok matapos sugurin ni alyas "Mercy."

Nag-ugat daw ang gulo sa isang social media post kung saan tinawag ni Mercy na "malandi at hindi dapat tularan" sina Anabel at kaniyang mga kaibigan. 
    
Lumaki raw ang gulo dahil nakialam na rin ang ilang kaanak at katropa ng dalawang panig.

Ipinatawag na ng mga pulis ang mga sangkot pati ang kanilang mga magulang.

Ayon sa pulisya, maaaring managot ang mga matatandang nakakita pero hinayaan lang ang gulo.
    
"Depende na rin 'yan sa barangay kung mag-issue sila ng certificate to file action against sa mga of legal age na nandoon sa area na hinayaan lang mag-away itong dalawang menor de edad," ani Chief Inspector Arlan Delumpines, hepe ng Zamboanga police station 7. 

—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.