10 menor de edad na hinihinalang akyat-bahay, arestado sa Dipolog City

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 02:47 PM | Updated as of Jan 11 2019 03:02 PM

DIPOLOG CITY -- Sampung menor de edad na nasa 15 hanggang 17-anyos ang hinuli ng mga awtoridad, Huwebes matapos umanong masangkot sa panloloob sa mga bahay at tindahan dito sa lungsod.

Isang 17-anyos ang nahuli ng may-ari ng bahay na pinasok ng grupo sa Barangay Sicayab noong Lunes.

"Tinanggal nila ang 4 na blades ng jalousie at may isang papasok para buksan ang pinto para madali ng makapasok ang ka-grupo at mabilis na rin silang makalabas pagkatapos magnakaw," ani PO1 Rahjick Necessario, imbestigador ng Dipolog City Police Station.

Narekober ng mga pulis ang mga ninakaw umanong mga relo, pitaka, skates, mga bag, ngunit hindi na naisoli sa may-ari ang nawawalang P5,000, ani Necessario.

Dati na nilang nahuli ang ilang mga menor de edad na kabilang sa grupo dahil sa pagnanakaw pero nakatakas naman ang mga bata sa loob ng Balay Dalangpanan na pinapangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development, aniya.

Inaalam din ng pulisya kung sino ang may-ari ng narekober din na motorsiklo na gamit ng mga menor de edad bilang getaway vehicle dahil hinihinalang nakaw din ito.

Sinampahan na ng kasong pagnanakaw ang mga nahuling menor de edad pero pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung saan pwedeng mapiit ang mga nahuli para di na muling makatakas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.