1 sugatan, 2 bahay nasira sa aksidente sa Surigao del Sur

Richmond Calo Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 12:29 PM

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng prime mover truck kaya't nasagi nito ang dalawang bahay na may tindahan sa bayan ng Carrascal sa Surigao del Sur. Larawan mula sa Carrascal Police

CARRASCAL, Surigao Del Sur – Isang babae ang sugatan matapos na aksidenteng masagi ng truck ang dalawang bahay sa National Highway, Purok 7 sa Barangay Gamuton, Huwebes ng hapon.

Sa kuwento ng driver na si Jacquez Pollesca, 31-anyos, paliko ito sa nasabing lugar nang biglang mawalan ng kontrol sa manibela kaya't nasagi ng truck ang dalawang bahay na may tindahan sa kanto ng kalsada.

Tumigas umano ang manibela ng truck na may kargang tatlong concrete square piles na papunta sanang Cantilan mula Butuan City.

Sugatan naman si Rizalina Guardalupe na nasa loob ng tindahan nang maganap ang aksidente. Nagtamo siya ng sugat sa kaliwang paa at dinala sa Madrid District Hospital para maipagamot.

Nasa kustodiya pa ng Carrascal Police ang driver habang hinihintay ang desisyon ng mga may-ari ng bahay kung magsasampa ng reklamo.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.