Umento para sa mga pulis, sundalo, epektibo na

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 10:47 PM | Updated as of May 10 2019 12:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mararamdaman na simula ngayong Enero ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdag-sahod sa mga pulis, sundalo, at iba pang uniformed personnel.

Sa ilalim ng Joint Resolution No. 1, makatatanggap ng base pay na P29,668 kada buwan ang isang entry-level uniformed personnel tulad ng police officer 1. Doble ito sa dating sahod na P14,834.

Tumaas din ang suweldo ng mga police officer 2 hanggang director general nang nasa 30 hanggang 80 porsiyento, depende sa ranggo.

Pero magkakaroon pa umano ito ng pagbabago sa susunod na taon.

"Actually, two tranches ito. 'Yong pinag-uusapan natin ngayon is for fiscal year 2018, so by 2019, there will be another adjustment," paliwanag ni Chief Superintendent Joselito Vera Cruz, executive officer ng Philippine National Police (PNP) Directorate for Comptrollership.

Ang isang chief superintendent ay makatatanggap ng halos P77,000 kada buwan ngayong taon at higit P91,000 kada buwan sa 2019, mula sa dating base pay na P47,000.

Aabot naman sa halos P150,000 ang base pay ng pinuno ng PNP sa susunod na taon, mula sa dating P67,500 kada buwan.

Mas mababa na rin umano ang maipapataw na buwis sa mga pulis gawa ng tax exemption na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Dahil sa dagdag-sahod, umaasa ang PNP na mas dadami ang kanilang aplikante, lalo't nangangailangan pa ng 21,000 bagong police officer ang pambansang pulisya.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.