SAPUL SA CCTV: 3 binatilyo, nakipaghabulan matapos 'manikwat' ng cellphones

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 10:20 PM | Updated as of May 09 2019 06:17 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang tatlong kabataan na nagnakaw umano ng mga cellphone sa isang construction site sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.
 
Nakuhanan pa ng CCTV ang tatlong kabataan na makikitang tumatakbo patakas habang humahabol naman ang isang lalaki sa may Scout Delgado sa Roces Avenue, Quezon City. 

Umabot ang habulan hanggang sa kabilang kalye at nagtago pa sa likod ng jeepney ang isa sa suspek. 

Pero dahil rumoronda ang mga tanod ng barangay, natiyempuhan nila ang pangyayari at naaresto ang tatlo.
 
Dinala ang tatlong suspek sa barangay hall at doon na rin narekober ang pitong cellphone na natangay nila sa mga biktima na noo'y natutulog sa pinagtatrabahuhang construction site. 
    
Positibo rin silang kinilala ng kanilang biktima.

Ayon sa mga bata, ito ang unang pagkakataon na nasangkot sila sa pagnanakaw.

Ikinabahala naman ng mga opisyal ng barangay ang pagkakasangkot sa krimen ng mga nahuli na edad 13, 14, at 15 pa lamang.

“Nakakalungkot puro bata ngayon ang gumagawa ng paraan e. Actually base do’n sa sinabi nila, kaya ginawa nila ‘yon dahil nagugutom daw sila. Isa pang problema ay hindi natin makontak ang mga magulang,” ayon kay Leo Tiamson, kapitan ng Barangay Paligsahan sa QC.

Ayon pa sa mga opisyal ng Barangay Paligsahan, gusto nilang mabago na ang batas sa mga batang nasasangkot sa krimen.

“Dapat medyo babaan. Hindi kamukha niyan na kapag under 15, ang kailangan lang do’n ay kausapin, magkaroon lang ng intervention ang barangay, tapos no’n wala na,” ani Tiamson. 

Samantala, dadalhin sa barangay social welfare ang mga nahuli.

Aalamin din ng Quezon City Police District (QCPD) at barangay kung may sindikato sa likod ng pagnanakaw ng mga kabataan.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.