7 tiklo sa 'pot session' sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 09:12 PM

Nakumpiska mula sa pitong suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu, pera, at iba't ibang drug paraphernalia sa Batangas City, Miyerkoles. Kuha ng Batangas City Police

Arestado ang pitong lalaki matapos umanong maaktuhan habang nagpa-pot session sa Barangay Siyete, Batangas City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mga suspek na sina Nelson Balmes, Rommel Cariño, Hilario Cortiñas, Leo Asi, June Bayer, Joven Custodio at Noel Bayer.

Ayon sa pulisya, nakaramdam si Balmes at Cariño sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad at tumakbo patungo sa kinaroroonan ng 5 naaktuhang gumagamit ng droga.

"So during transaction, nagkabilihan, parang nakaramdam itong sina Nelson na parang iba 'yung nabentahan nila. Tatakbo sila papunta dun sa back door,” ani Chief Insp. Leopoldo Ferrer Jr.

"Kaso 'yun nga, nung pagpunta sa backdoor, nakuha itong si Nelson. Pagtakbo niya, nagulat 'yung tropa, may lima pa doon na mga nakaupo, nagpa-pot session."

Nakumpiska mula sa pitong suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu, pera, at iba't ibang drug paraphernalia.

"Malaking impact 'to since dun sa lugar nila malakas 'yang magbenta, at the same time pinapagamit 'yung bahay. So at least nabawasan 'yung nagdidispose ng malaki, at the same time, 'yung drug den na tinatawag natin,” ani Ferrer.

Nahaharap ang pito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.