18-anyos na gang lider, patay nang umano'y manlaban sa pulis sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 09:05 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang 18-anyos na hinihinalang gang lider matapos umanong manlaban sa mga pulis na naghain ng arrest warrant laban sa kaniya sa Barangay Poblacion dito, Huwebes.

Kinilala ang namatay na suspek bilang si Joshua Dorna na hinainan ng warrant dahil sa kasong concealment of deadly weapon at alarm and scandal. 

Ayon sa mga awtoridad, sangkot si Dorna sa mga kaso ng robbery at hold-up, pangdedelihensiya, at mga riot.

Nadaplisan si PO1 Abdul Kier Lumagbas ng bala matapos umano magpaputok si Dorna. Ayon sa pulis, di niya nakita na may armas si Dorna kaya nabigla siya ng bumunot umano ito ng baril.

Dito na nagpaputok si Lumagbas.

"Wala akong choice kundi lumaban para sa safety ko at mga kasama ko," sabi ni Lumagbas.

Pero hindi kumbinsido ang ina ni Joshua na si Marites na nanlaban ang kaniyang anak.

"'Di iyan totoo na lumaban siya. Aminado ako na sumama sa mga maling gawi ang anak ko pero pina-surrender ko na siya sa pulis. Sabi ko ikulong ang anak ko 'wag lang patayin," giit ni Marites.

Narekober mula kay Dorna ang isang kalibre .38 na baril, isang basyo ng bala at pakete ng pinaniniwalaang dahon ng marijuana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.