TFC News

Negosyanteng Pinay, nagbukas ng Filipino take-away sa Edinburgh

Joefer Tacardon | TFC News United Kingdom

Posted at Jan 10 2023 09:01 PM

EDINBURGH - 'Best city in the world to visit' sa taong 2022. Ito ang pagkilalang iginawad ng Time Out magazine sa lungsod ng Edinburgh, ang kabisera ng Scotland.

Hitik kasi sa atraksyon ang makasaysayang lugar. Kaya dinarayo ito ng mga turista kabilang ang mga Pilipino. Pero para sa maraming overseas Filipinos, dito na nila napiling manirahan, magtrabaho at bumuo ng pamilya.

tanawin1
tanawin2
tanawin3

Mayroon ding nagsimula ng sariling negosyo. Nasa sentro ng Edinburgh ang ‘The Elephant House’ na pagmamay-ari ng isang Scottish businessman at ng kanyang asawang Pinay.

elephant1

Mula nang masunog ito noong August 2021, nagtayo sila ng isang negosyong may tatak Pinoy habang pansamantalang sarado ang kanilang tea and coffee house.

Ang kainang ito raw ang tinaguriang birthplace ng Harry Potter books dahil dito isinulat ng author na si J.K. Rowling ang ilang bahagi ng nobela.

elephant2

Sa storage area ng ‘The Elephant House,’ binuksan ng British-Pinay na si Aida Taylor ang kanyang sariling take-away business. 

Sa kabila ng hamon sa ekonomiya ng UK, naglakas-loob siyang simulan ang kanyang munting negosyo.

Aida

“Lahat ng nationalities, may mga restaurant, Pilipino wala. Kaya naisipan namin na mag-open din. It was good, challenge talaga,” wika ni Taylor, negosyante.

1975 pa nang dumating sa United Kingdom si Taylor para magtrabaho bilang waitress. Bata pa lang daw siya hilig na niya ang pagluluto.

“Iyan ang pinag-aralan ko talaga when I was in uni, home economics talagang mahilig akong magluto. Sayang din hindi ko natapos dahil nakapunta ako rito. But still, parang nagamit ko din dahil dito nga, naisipan ko mag-open ng my own restaurant,” sabi ni Taylor.

Ilan sa inihahain nilang Filipino favourites ang pansit, pork sinigang, adobong pusit, barbecue at halo-halo.

“Kahit yung mga Pinoy, kaya naman nilang magluto sa mga bahay nila pero kumakain pa rin sila ng Pinoy food sa take-away na ito, nag-e-enjoy pa rin talaga sila,” sabi ni Chef Allan Tolentino.

“Kasi it’s far away from home. So talagang nung nalaman ko na merong Filipino restaurant dito, it was a big happiness,” sabi ni Janice Kelly, nakatira sa Edinburgh.

aidas12

 Umaasa si Taylor na lalago ang kanyang maliit at simpleng kainan na binudburan niya ng tiyaga at dedikasyon.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.