MANILA - Binatikos ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang ginawang pag-atake umano ng rebeldeng New Peoples' Army (NPA) noong kasagsagan ng preemptive evacuation dahil sa bagyong Odette.
Sa online press conference, sinabi ni NTF-ELCAC spokesperson Jonathan Malaya na paano maniniwala ang publiko na nakikipaglaban ang mga rebelde para sa kabutihan ng bansa kung sila mismo ang bumibiktima sa mga taong gustong tumulong sa mga Pilipino.
Pawang mga sibilyan aniya ang napatay ng mga rebelde.
“The (Department of the Interior and the Local Government) condemns this extreme disregard for human life amid a disaster. Wala po silang panahon na pinipili para biktimahin ang ating mga kababayan, kasama na ang mga kasundaluhan at kapulisan na hindi naman gumagawa ng focus military operations.”
Sabi pa ni Malaya, kabilang sa pinaslang umano ng mga rebelde ang magsasakang si Mario Landesa na taga-La Castellana, Negros Occidental, na papauwi na sana nang tambangan.
Samantala, sisimulan nang ikutin ng DILG at Department of Social Welfare and Development 9DSWD) ang 27 probinsya na pinabigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng P4.8 bilyon na pondo para sa mahihirap na residente na napinsala ang bahay dahil sa bagyong Odette.
Ani Malaya, 420 na lungsod at munisipalidad ang nabigyan ng pondo, kung saan ang ipamamahagi ay P1,000 sa bawat isang miyembro ng pamilya at maximum na P5,000.
Tanging ang mga pinakamahihirap lang ang pinabibigyan ng ayuda.
Labinglimang araw ang ibinigay ng DILG sa mga local government units para ipamahagi ang nasabing pondo.
Odette, NPA, NTF-ELCAC, Jonathan Malaya, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, New Peoples Army, DILG