PatrolPH

Ilang nasalanta ng 'Odette' sa Surigao City, hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2022 02:39 PM | Updated as of Jan 10 2022 07:37 PM

Watch more on iWantTFC

Kilala ang tabing-dagat na Barangay Day-asan sa Surigao City dahil doon nagmumula ang mga seafood na isinu-supply sa maraming lugar.

Pero naglaho ang tanging kabuhayan ng mga residente nang tumama ang Bagyong Odette noong nakaraang buwan.

Isa sa mga nasalanta si Issa Clor, na kasama ang kaniyang pamilya ay nakikitira ngayon sa kapitbahay dahil tinangay ng bagyo ang kanilang buong bahay.

Pilit binubuo ulit ng mister ni Clor ang kanilang tahanan kaya hindi pa rin ito makabalik sa pangingisda.

"Masakit para sa amin... sana po matulungan kami kahit maliit lang," ani Clor.

Sa evacuation center naman nananatili si Aurora Laid matapos wasakin ng bagyo ang bahay.

Ayon kay Laid, bukod sa hindi niya alam kung saan kukuhanin ang mga materyales para maitayo muli ang bahay, inaalala rin niya ang kaniyang mga apo na may ubo at sipon.

Ayon sa barangay chairperson na si Ruben Catarman, maging ang mga alagang lobster na kabuhayan ng mga residente ay inanod ng malakas na alon noong kasagsagan ng Odette.

Wala rin silang mapagkuhanan ng malinis na tubig kaya panawagan niya'y mabigyan sila ng ayuda habang sinisikap nilang makabawi.

Ilan sa mga pangunahing pangangailangan ang hinatid kamakailan ng ABS-CBN Sagip Kapamilya sa higit 700 pamilya sa Barangay Day-asan.

"Salamat po, kasi mga walang trabaho," sabi ni Laid.

Narating din ang 7 iba pang barangay sa Surigao City, kung saan hinatiran ng bigas at mga de-lata ang mga residente.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.