PNP officers escort the remaining devotees after the last mass in Quiapo Church in Manila on the feast of the Black Nazarene, January 9, 2021, amid the COVID-19 pandemic. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA - Naging matagumpay ang selebrasyon ng kakaibang Traslacion 2021 nitong Sabado.
Ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, sa kabuuan ay nairaos ang pagdiriwang ng payapa at ligtas.
Binigyang pugay niya ang mga deboto na sumunod sa mga patakaran lalo na mga health protocol.
Pero marami pa rin sa social media ang bumatikos kung bakit daw tinuloy pa rin ang Traslacion sa gitna ng pandemya. May mga nagsasabing mass gathering pa rin ang nangyari at dapat naging online na lang muna lahat.
Sa huling misa ng Traslacion kagabi, sinabi ng rector ng Quiapo Church na si Msgr. Hernando Coronel na hindi talaga maiiwasan ang mga tao na pumunta mismo sa simbahan.
Aniya, ang mga deboto ay mas lumalapit sa Diyos lalo na ngayong panahon na marami ang problema.
Aminado si Coronel na matindi rin ang panganib ng COVID-19, kaya rin nila kinansela ang prusisyon at iba pang tradisyon, gaya ng paghawak sa lubid, Dungaw at bawal rin ang magdala ng mga replica ng Nazareno sa Quiapo para maiwasan ang pagdumog sa mga ito.
Marami aniya silang hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mga tao, kaya naisipan nilang misa lang ang gagawin at wala ng iba.
Pero nagulat rin aniya siya sa pagpunta ng maraming tao. Una na kasi niyang sinabi na 'wag nang pumunta ang mga tao sa simbahan at makinig na lang sa online mass.
Pero gayunpaman, nagpasalamat siya sa debosyon ng mga tao. Ipinapasa-Diyos na lang niya na maging ligtas ang lahat at hindi magkasakit.
Nagpapaalala rin ang DOH sa lahat ng mga pumunta sa Traslacion na obserbahan ang sarili kung magkaroon ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, sipon, pagkawala ng panlasa at pang-amoy.
Kung sakaling makaranas, agad itawag sa Barangay Health Center o sa doctor.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
quiapo, Traslacion, Nazareno, Manila, covid-19 pandemic, Tagalog News, PatrolPH, Traslacion 2021, Traslacion pandemic, TV Patrol, Jekki Pascual, TV Patrol Top