Negosyante patay sa pamamaril sa Tuguegarao

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2021 12:03 PM

Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Tuguegarao City. Retrato mula sa Tuguegarao police

Masusing iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pamamaril umano sa isang negosyante sa Tuguegarao City tanghali ng Sabado.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Moises Joseph Collado, 34 taong gulang at residente ng Barangay San Gabriel.

Ayon kay Lt. Franklin Cafirma Jr., tagapagsalita ng Tuguegarao police, nasa harap ng vulcanizing shop sa Barangay Carig Sur ang biktima nang biglang barilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

"Pauwi naman na yata siya, sakto nagpa-vulcanize. Pero ganoon naman na ang nangyari," ani Cafirma.

Tiyempong may napadaan umanong ambulansiya kaya nadala agad sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead on arrival.

"Ipapa-autopsy sana namin 'yong katawan. Ayaw naman ng family niya. Kaya ayun, nahihirapan 'yong investigation natin na alamin kung ano 'yong mga wounds niya," ani Cafirma.

Narekober sa crime scene ang 5 basyo ng bala ng M16 rifle.

-- Ulat ni Harris Julio

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.