2 U-turn slots sa bahagi ng EDSA-Caloocan isasara sa Enero 11

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2021 04:29 PM | Updated as of Jan 10 2021 06:03 PM

Tuloy na sa Enero 11, 2021 ang pagsasara sa 2 pang U-turn slot sa kahabaan ng EDSA sa Caloocan City. ABS-CBN News

Tuloy na sa Lunes ang pagsasara sa 2 U-turn slot sa kahabaan ng EDSA sa Caloocan City.

Noong Disyembre pa nakatakdang isara ang mga U-turn slot sa Bagong Barrio at General Malvar para bigyang daan ang EDSA busway.

Pero ipinagpaliban ito ng Metropolitan Manila Development Authority dahil sa inasahang dami ng mga sasakyan sa kalsada noong holiday season.

Umaaray naman ang mga motorista sa pagsasara.

"“Mga tao wala nang pera. Ayaw na mag-taxi eh. Suwerte na lang makauwi ng P500 sa pasada, 24 hours. Ang hirap talaga ng biyahe ngayon," anang taxi driver na si Diosdado Bobier.

"Mahirap ang biyahe at puro traffic gawa ng EDSA carousel ng bus. Di na maka-U-turn. Mga U-turn puro sarado," sabi naman ng taxi driver na si Jiony Rivas.

Watch more in iWantTFC

Ang mga apektadong motorista, puwedeng mag-U-turn sa De Jesus o Monumento Circle sa mga papuntang south.

Mananantili namang bukas ang U-turn slot sa tapat ng Quezon City Academy para sa mga motorista, at U-turn slot sa Darrio Bridge na para sa emergency vehicles.

Sa obserbasyon ng MMDA, bagaman nagkaroon pa rin ng masikip na trapiko sa bahagi ng EDSA, hindi na ito sintindi nang dati.

Malaki umano ang naitulong ng pagbubukas ng Skyway Stage 3.

"May mga pagkakataong talagang maluwag kahit rush hour. Malaking tulong dito ang pagbubukas ng Skyway Stage 3," ani MMDA Spokesperson Celine Pialago.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pag-uusap ng mga ahensiya ng gobyerno sa long-term plan na pagtatayo ng elevated busway sa EDSA.

Hindi muna umano ibabalik ang number coding scheme sa Metro Manila dahil hindi pa sapat at limitado pa rin ang kapasidad ng public transport.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.