2 garahe at gusali nasunog sa Malate

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 01:57 AM | Updated as of Jan 10 2020 08:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Naapula ng mga bumbero ang sunog sa magkatabing garahe at office building sa isang residential area Biyernes ng 12:56 ng madaling araw sa Malate, Maynila.  

Natupok ang halos lahat ng gamit ng ikalawang palapag ng gusali at 2 taxi sa garahe na aabot sa halagang P200,000.

Ayon kay Eduardo Tabalanza, isa sa dalawang guwardiyang nasa insidente, nagmula umano ang sunog sa lote sa tabi ng gusali na may garahe ng mga taxi.

“May pader po kasi, tapos sumiklab na po may sumabog. Ginapangan na po siguro kasi may mga pintura, gumapang na siya sa taas,” ani Tabalanza.

Ayon naman kay Fire Sen. Insp. Eric Sabiano ng Paco Fire Station, inaalam pa nila ang mga taong nasa loob ng katabing kubo ng mga driver sa garahe para sa mas malalim pang imbestigasyon. Tinuturo rin kasi itong pinagmulan ng apoy.

“May barracks diyan, ibig sabihin may nakatira. ‘Yun ang tinitingnan ng imbestigador natin [kung] ano [ang] cause ng sunog,” ani Sabiano. -Ulat nina Anjo Bagaoisan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.