PatrolPH

Provincial auditor ng Maguindanao patay sa pamamaril

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 03:53 PM | Updated as of Jan 10 2020 04:40 PM

Patay sa pamamaril ang provincial auditor ng Maguindanao sa Barangay Rosary Heights 7 sa Cotabato City, Biyernes ng umaga.

Kinordon ng mga pulis ang kalsada sa likod ng isang mall matapos pagbabarilin ang biktimang nakilalang si Guiaria Bagundang Akmad, 60 anyos, isang opisyal ng Commission on Audit (COA). 

Kuwento ng mister ng biktima na si Hadji Ali Akmad, galing sila ng opisina sa compound ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at pauwi na ng bahay para sa Friday prayer.

Bigla umanong tinabihan ang kanilang sasakyan ng hindi pa kilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo at namaril. 

Nakuha pa umano niyang bumunot ng baril at hinabol ng putok ang mga suspek pero may isa pang motorsiklo na may dalawa pang sakay na suspek ang nasa kanilang likuran at tangka rin silang paputukan.

“Nag-shortcut kasi kami doon. May nakasalubong kami sasakyan, tapos ‘di umatras kaya kami umatras so parang na-stop kami, doon na may tumabing motor, pinaputukan kami. Hinabol ko then pinaputukan pa nga windshield ko. Pagkakita mayroon pa dalawa sa likod, ‘di na pumutok ‘yun kasi nakita nila may baril ako," sabi niya.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad at tinitingnan din kung may kuha ang CCTV sa likurang bahagi ng mall.

Siyam na taong umupo bilang provincial auditor ng COA-Maguindanao ang biktima.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.