Preso pinatay ng kakosa dahil sa sinampay

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 10:36 AM

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya — Patay ang isang 21-anyos na inmate sa provincial jail dito matapos saksakin ng kapwa niya preso dahil sa sinampay na damit, Huwebes. 

Naglalaro ng basketball ang biktimang si Alvin Buscas nang tamaan niya ng bola ang sampay ng 29-anyos na suspek na naglalaba noon, ayon sa pulisya. 

Nagkasuntukan anila ang 2 hanggan sa makarating sila sa loob ng selda, kung saan sinaksak ng suspek si Buscas gamit ang isang improvised na kutsilyong ginagamit sa paggawa ng handicraft. 

Naawat ng mga jail guard ang suspek at naisugod sa ospital ang biktima, pero namatay rin ito dahil sa tinamong sugat sa ulo at dibdib.

Napag-alaman ng mga imbestigador na dati nang nagkakaalitan ang biktima, na may kasong carnapping, at ang suspek, na nakulong dahil sa frustrated homicide. 

Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.