PNP, NBI sanib-puwersa sa pag-imbestiga sa pagpatay, pagsunog sa ex-congressman

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 06:25 PM | Updated as of Jan 10 2020 08:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nakaburol na sa kanilang bahay sa Batangas City ang mga labi ni ex-Batangas Rep. Edgar Mendoza, na positibong kinilala ng kaniyang pamilya bilang isa sa 3 sunog na bangkay na natagpuan sa Quezon noong Huwebes.

Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa pamilya kung ano ang posibleng motibo para brutal na patayin ang dating mambabatas, kaniyang drayber at bodyguard.

"Ang alam ko ay wala naman siyang kaalitan. Napakabait ng father ko talagang nakakapagtaka," ayon sa anak ni Mendoza.

Bumuo na ang Quezon police ng special investigation task group para tutukan ang karumaldumal na krimen. 

Bukod pa ito sa hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI)-Calabarzon.

Pero base sa mga nakuhang CCTV ng NBI at pulisya, bago maghatinggabi noong Miyerkoles sa Barangay Cabay, Tiaong, Quezon ay nakita ang pagdaan ng isang kotse kasunod ang isang motorsiklo.

Ayon sa NBI, ang kotse ay kumpirmadong kay Mendoza at ang mga sakay ng motorsiklo ay ang mga salarin na siyang bumaril at sumunog sa mga biktima. 

"Based on the background of former congressman, he is handling several cases, big cases as a law practitioner, and we are not discounting the possibility of the motives," sabi ni Max Salvador, regional director ng NBI-Calabarzon. 

Palaisipan din kung bakit hindi sinunog ang mga dokumento at isang maleta na natagpuan sa gilid ng tulay.

"Those are evidence na may lead or may mislead the investigators but those are evidence, hard facts that we cannot just discount," dagdag ni Salvador. 

Sinusuyod na rin ng mga imbestigador ang mga kalsada mula Batangas na dinaanan nina Mendoza sa pag-asang makakakuha pa ng mga CCTV footage na magbibigay-linaw sa kaso.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.