NCRPO chief dinepensahan ang mga pulis sa Traslacion 2020

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 12:19 AM

Dinepensahan ni National Capital Region Police Office chief Brigadier General Debold Sinas ang mga pulis sa Traslacion ng Poong Nazareno matapos umanong magkaroon ng eksena ng suntukan sa pagitan ng mga pulis at deboto habang papasok sa Quiapo Church. 

Paraan kasi ito ng pag-escort ng mga pulis sa mga debotong maaaring magdulot ng komosyon sa lugar, ayon kay Sinas. 

Giit din ng hepe na hindi maaaring tanggalin ng mga pulis ang suot na mga combat boots dahil bahagi ito ng search and rescue uniform nila.

Naging hinaing ng mga deboto ang pagsuot ng mga pulis ng combat boots dahil nasasaktan sila kapag natatapakan sila sa prusisyon. 

Sa kabuuan naging matagumpay para kay Sinas ang traslacion dahil sa kaunting natamong injuries at mabilis na prusisyon sa tulong ng mga kapulisan. 

Pawang minor injuries lang ang naitala sa panig ng mga deboto, habang may 3 pulis ang nagtamo rin ng injuries pero inaalam pa niya ang kumpletong detalye nito, ayon kay Sinas. 

Sa tala naman ng Philippine Red Cross ng ika-7 ng gabi, aabot sa 1,051 ang bilang ng mga pasyenteng kanilang inasikaso.

Mananatili ang police deployment sa Quiapo Church hanggang matapos ang huling misa alas-12 ng madaling araw. 

Bilang pasasalamat sa mga pulis, pinag-aaralan din ni Sinas ang paggawad ng tatawaging "Traslacion pin" para sa libo-libong pulis na nagbantay sa seguridad ng mga deboto at lahat ng nakilahok sa prusisyon.