'Mabilis' na Traslacion 2020 naging 'matagumpay, mapayapa'

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 09:13 PM | Updated as of Jan 10 2020 10:01 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Naging matagumpay at mapayapa ang Traslacion 2020 sa kabila ng ilang pagbabago na ginawa sa ruta at pagpapaandar ng andas nito sa Maynila noong Huwebes, ayon sa mga awtoridad.

Sa kabila ito ng puna ng ilan na naging marahas ang pulisya sa ilang deboto na nagtangkang sumampa sa andas ng Poong Nazareno.

"Walang sumasalubong na maraming tao dahil maraming closed roads sa harap," ani Fr. Ric Valencia, deputy commander ng Quiapo Joint Emergency Command Center.

Naniniwala ang alkaldeng si Isko Moreno na naging mabilis ang Traslacion gawa ng pinaikling ruta at suporta ng pulis.

"What we're after is, everyone, including the Church I would believe is ituloy natin ang pamana at maging ligtas ang lahat, iyan ang goal. The basic goal is for everyone to be safe; nothing more, nothing less," ani Moreno.

Bandang alas-8:44 ng gabi nakabalik ng Quiapo Church ang andas ng Poong Nazareno, higit 16 oras matapos nitong umalis mula sa Quirino Grandstand.

Pero bago pa nito, muling nagkatulakan at balyahan ang mga pulis, na nagsilbing "andas wall" na aalalay sa karwahe papunta at pabalik ng Quiapo.

Pinuna rin ng ilang deboto ang marahas na pag-aresto sa mga nanggugulo at mga pasaway.

Binatikos din ang pagdukot ng pulisya sa cellphone ng GMA News reporter na nag-video umano ng naging balyahan ng mga pulis at deboto. Humingi na ng paumanhin ang nasabing pulis.

Humingi na ng dispensa si National Capital Region Police Office director Police Brig. Gen. Debold Sinas sa mga nasaktan.

"Apologies again to devotees who were hurt. We admit that there were some lapses but they will improve if the same measures will be implemented next year," ani Sinas.

Umabot sa 318 ang nasaktan sa panig ng mga pulis at sundalo. Umabot naman ng higit 1,000 ang nabigyan ng first aid ng Phiippine Red Cross.

Magkakaroon pa ng post-assessment ang lahat ng mga organizer para malaman kung gagawin muli ang naging sistema sa Traslacion ngayong taon.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.