Ilang grupo nakukulangan sa inaprubahang umento para sa gov't workers

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Dismayado ang ilang grupo sa umano'y kakarampot na itinaas ng sahod ng mga public school teacher at kawani ng gobyerno sa umentong nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Pinirmahan ni Duterte ang Salary Standardization 5, na magtataas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno simula Enero ngayong taon hanggang 2023. 

Nasa P483 kada buwan ang idadagdag na suweldo para sa mga government worker na may Salary Grade 1 - katumbas ng P16.10 kada araw. 

Katumbas naman ng P1,500 ang dagdag sa sahod ng mga gurong Teacher 1.

Bagay ito na idinaing ng grupong Courage. 

"Kulang pa nga po sa pamasahe eh. Our take home pay cannot take us home," ani Courage National President Santiago Dasmariñas Jr. 

Ayon din sa mga grupo ng mga guro, malayo sa hinihingi na dagdag-P10,000 na sahod ang naaprubahan ng gobyerno. 

"Mukhang hindi kami pinakinggan. 'Yon 'yong medyo nakakalungkot. So kasi noong kampanya talagang nagcommit ang ating kandidato, ang mga senador, kongresista, and even the president himself," ani Benjo Basas, chairman ng Teachers' Dignity Coalition. 

Pero iginiit ng Department of Education na malaking tulong ang umento sa lahat ng empleyado dahil makakaengganyo ito sa kanila na magtrabaho. 

"SSL5 is favorable and beneficial for all government employees, particularly DepEd teaching and non-teaching positions, as this is an added income and motivation for them to work," ani Annalyn Sevilla, tagapagsalita ng ahensiya. 

Iaapela ngayon ng mga grupo sa Kongreso na itaas pa ang sahod kahit na pirmado na ito ng Pangulo.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.