'He should have not done that': Año sinita ang paghablot ng heneral sa cellphone ng GMA reporter

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 09:35 PM

BAGUIO - Pinaiimbestigahan ni Interior Secretary Eduardo Año ang nangyaring paghahablot ng cellphone ng isang mamahayag ng GMA News habang nirerecord nito ang komosyon sa prosesyon ng Itim na Nazareno, o Traslacion.

"He should have not done that kahit na hindi 'yan si Jun Veneracion kahit ordinaryong tao lang 'yan. Hindi pwede 'yung ganun na basta kukunin ko 'yung cellphone, hahablutin mo. Hindi 'yun kasama sa dapat gawin ng isang police officer," dagdag pa ni Año.

Pinaimbestigahan na ng dating heneral ang nangyari sa mamamahayag pati na ang komosyon sa pagitan ng mga deboto at ilang miyembro ng pulisya noong Traslacion.

Noong prosesyon nitong Huwebes, hinablot ni Southern Police District chief Brig. Gen. Nolasco Bathan ang cellphone ni Veneracion matapos makunan ng video ng mamahayag ang pagaaway ng isang deboto at mga pulis sa Ayala Bridge sa Maynila.

Hindi umano nagustuhan ng pulis ang pagkukuha ng video ng mamahayag.

Humingi naman ng tawad si Bathan kay Veneracion, at sinabi niya na ginagawa lang niya ang trabaho niya na magbigay ng seguridad sa prosesyon.

Pero ayon kay Año, hindi dapat ito ginawa ni Bathan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.