Simbahan pansamantalang ipinasara matapos pagnakawan ng sacred host

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 09:59 AM | Updated as of Jan 10 2019 06:32 PM

Courtesy of San Juan Nepomuceno Parish

SAN JUAN, Batangas – (UPDATED) Pansamantalang ipinasara ng pamunuan ng Simbahang Katolika sa Batangas ang isang parokya matapos na pagnakawan.

Sa dekretong ipinalabas Miyerkoles ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, ipinag-utos niya ang pansamantalang pagpapasara mula Enero 10 hanggang 17 ng parokya ni San Juan Nepomuceno sa bayan ng San Juan. 

Ito’y kaugnay sa pagnanakaw sa sacred host ng simbahan na nadiskubre noong umaga ng Enero 4. 

Itinuturing banal at sagrado ang nanakaw dahil ito ang nagsisilbing lalagyan ng ostya na siyang pinaniniwalaang nagiging katawan ni Hesukristo sa misa ng mga Katoliko.

Laman din ng sulat na kailangang manalangin at magsagawa ng prayer vigil ang mga mananampalataya sa bayan para humingi ng tawad at bilang bahagi ng pagsisisi sa nangyari.

Samantala, may mga ilang mga residenteng piniling magtirik na lamang ng kandila sa tapat ng simbahan.

Ayon sa pulisya, may lead na umano sila sa posibleng gumawa ng pagnanakaw.

Sa hall ng parokya pansamantalang ipagdiriwang ang misa habang sarado ang simbahan. Naayos na rin umano ng pamunuan ng parokya ang iba pang schedule at naipaliwanag na ang insidente sa mga concerned na indibidwal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.