Pagsisilbi ng search warrant sa Maguindanao nauwi sa engkuwentro, 2 patay

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 05:45 PM

Ayon sa misis ni Vice Mayor Ohto Montawal, isa sa mga target ng operasyon, nakapagtatakang may ibang taong namatay sa loob ng bahay samantalang ang pamilya lamang, mga yaya at ilang menor de edad umano ang nandoon nang mangyari ang operasyon. Arianne Apatan, ABS-CBN News

DATU MONTAWAL, Maguindanao – Patay ang dalawang lalaki na umano’y miyembro ng private armed group sa isinagawang operasyon ng pulisya laban sa mag-amang mayor at vice mayor ng nasabing bayan.

Napatay sina Mentak at Belag Alon sa pagsisilbi ng search warrant, madaling araw ng Huwebes sa Barangay Talapas.

Target ng pulisya na isilbi ang search warrant kaugnay ng ilegal na droga, mga armas at pampasabog umano nina Montawal Mayor Vickman Montawal at ama nitong si Vice Mayor Ohto Montawal.

Nasamsam rin ng raiding team ang apat na M16 rifle at dalawang Granada.

Arestado naman ang tatlong lalaki na kalaunan ay pinakawalan rin dahil mga menor de edad.

Ayon sa pulisya, nakatakas ang mag-amang target at isang Andy Montawal na target rin ng operasyon.

Sabi ni Senior Insp. Jemar delos Santos, tagapagsalita ng Police Regional Office ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, nagkaputukan ang awtoridad at grupo ng mga suspek.

Pero iba naman ang bersiyon ng misis ng vice mayor na si Kristel Montawal at pumalag ito sa isinagawang raid.

“Dito sa paligid ng compound, putok ng putok na walang katapusang putok. Straight 'yun 30 minutes, 1 hour walang katapusang putok. Nakapasok na sila, walang counterfight na nangyari kasi wala nga kaming kasama,” sabi niya.

Dagdag pa niya na wala ang kaniyang asawa dahil may pulong ito. 

Nawawala rin umano ang nasa P400,000 cash at milyon-pisong halaga ng mga alahas ng pamilya Montawal.

Ipinagtataka rin niya kung bakit may mga nasawi samantalang siya lamang, ang anak niya, dalawang yaya at ang tatlong menor de edad na unang inaresto pero pinakalawan din ng awtoridad ang nasa loob ng bahay nang mangyari ang operasyon.

Pinag-iisipan na umano nilang maghain ng reklamo laban sa operating team.

“Dapat protected ang rights ng client namin pero ‘di talaga kami pinapasok. Inshaallah, may legal action 'to,” sabi ni Marvin Mocamad, abogado ng pamilya Montawal.

Napabilang sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng bise alkalde dalawang taon na ang nakalilipas.

Ang vice mayor na dating alkalde ng Montawal ay tumatakbo muli para sa pagka-mayor sa 2019 midterm elections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.