Motorcycle rider patay matapos bumangga sa trak

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 02:25 PM | Updated as of Jan 10 2019 02:26 PM

Patay ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa isang trak sa Barangay E. Rodriguez Sr. sa Quezon City.

Binabaybay ng trak ang kahabaan ng New York Avenue sa naturang lugar nang biglang sumalpok sa likurang gulong niya ang isang motorsiklo na galing Cambridge Street.

Humandusay ang motorcycle rider at kaagad namatay, base sa CCTV.

Sa isa pang kuha ng CCTV, mabilis ang pagpapatakbo ng motorcycle rider at hindi ito nagmenor paglabas ng kanto.

Kinilala ang namatay na si Jomar Dela Cruz, 26.

Kuwento ng kaniyang kaanak, nagkainuman sila ng biktima at isang kasama pero nagpumilit si Dela Cruz na ihatid ang kainuman.

"Sabi ko mag-trike na lang sila. 'Wag na mag-single. Motor ko 'yan eh... Pero ang kulit niya, kaya binigay ko na," kuwento ni Germie Dela Cruz.

Sa kabila nito, wala namang balak magsampa pa ng kaso ang kaanak.

"Hihingi na lang kami ng tulong sa nakabangga," aniya.

Nagpaalala naman ang mga taga-barangay sa mga motorista.

"Unang-una, 'wag magmaneho nang nakainom. Pangalawa, kapag lalabas ng kanto, dapat magmenor at tumingin muna," ayon kay AJ Olivas, opisyal ng barangay.

Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang driver ng nabanggang trak.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.