Mga langaw, kalbaryo ng mga residente sa isang barangay sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 11:21 PM

CAUAYAN CITY, Isabela—Inirereklamo ng mga residente ng Barangay Mamaoag ang pagdami ng mga langaw sa kanilang lugar dahil umano sa isang poultry farm.

Sagabal ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay gaya na lang tuwing kakain.

"Ang ikinakabahala namin ay 'yung sakit na puwedeng dumapo sa mga anak namin," kuwento ng residenteng si Rose Pasion.

Nito lamang buwan nagsimula ang pagdami ng langaw na dahil umano sa bagong poultry farm sa katabing barangay ng Gappal.

"Kuwento ng mister ko noong pumasok siya doon, para daw nakakapuwing sa dami ng langaw," kuwento ni Marlyn Pasion.

Tumangging magsalita sa harap ng camera ang farm manager pero aminado siyang galing nga sa poulty nila ang mga langaw na nagsilabasan matapos maibenta ang mga alangang manok,

Namigay naman umano sila sa mga residente ng mga pestisidyo at pulbos na pamatay langaw.

Pero para kay barangay chairman Leonila Ortiz, hindi sapat ang pamimigay ng mga pangontra sa langaw.

" 'Yung sanitary kailangan i-monitor . . . first na ano nila, pero 'pag sa susunod at ganoon pa rin, hindi na puwede," aniya.

Ayon kay Dr. Mary Kristin Purugganan ng city health office, maraming sakit ang dala ng mga langaw.

"Kapag itong mga langaw ay dumadapo sa ating mga pagkain, talagang may mga food-borne diseases gaya ng pagtatae lalo sa mga bata at matatanda," aniya.

Patuloy ang pagpuksa sa mga pesteng langaw at puspusan ang gagawin na monitoring ng pamahalaang barangay sa operasyon ng poultry farm.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.