Estudyante, nahulihan ng ‘damo’ sa checkpoint

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 09:44 AM

Timbog sa checkpoint ang isang estudyante matapos mahulihan ng pakete ng marijuana sa Davao City.

DAVAO CITY - Hindi nakalusot sa mahigpit na seguridad ang isang estudyante na hinarang ng Task Force Davao sa Lasang Checkpoint matapos makuhanan ng malaking pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, Huwebes ng madaling araw.

Sakay sa pampasaherong van ang suspek na galing Tagum kung saan umano nito nakuha ang dalang marijuana.

May kasama rin ang nahuli na kaibigan at itinuturong gumagamit rin ng droga.

Nang kapkapan, nakalagay sa loob ng underwear nito ang pakete ng marijuana.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nahuli.

Ang suspek ang ika-apat nang nahuli sa Lasang checkpoint mula Enero 1.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.