40 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 04:49 PM

Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong Huwebes, Enero 10, 2019. Kuha ni Aileen Carandang

MAYNILA- Tinatayang nasa 40 pamilya ang nawalan ng bahay matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong Huwebes.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na nagsimula ang sunog pasado alas-8 ng umaga, sa bahay ng mag-asawang senior citizen na sina Romeo at Soledad Gonzales.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang posibilidad na short circuit ang sanhi ng sunog na mabilis kumalat sa mahigit 20 bahay.

Tinatayang higit sa P200,000 ang halaga ng pinsalang dinulot ng sunog.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.

-ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.