17 crew ng sumadsad na barko nasagip sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 01:22 PM

Laking pasalamat ng 17 crew ng sumadsad na barko sa mga nakasagip sa kanila. Nagpalutang-lutang ng 12 oras ang kanilang barko matapos na maputol ang tali mula sa humihilang tugboat. Larawan mula sa Philippine Coast Guard-Palawan

PUERTO PRINCESA CITY – Dumating na sa lungsod Huwebes ng umaga ang 17 crew na nasagip mula sa kanilang sumadsad na barko sa Palawan.

Sakay ng rescue vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Sindangan ang crew ng MV Forever Lucky na nabalahaw sa karagatang sakop ng bayan ng Cagayancillo sa Palawan noong Lunes matapos makalas ang kadena na nakakabit sa tugboat na humihila dito.

Maayos naman ang kanilang kondisyon at nagpaabot ng pasasalamat sa mga sumagip sa kanila.

Kuwento ng kanilang chiefmate, hindi sila agad nakaalis dahil sa laki ng mga alon. Mula sa barko ay sumakay pa ang mga crew sa inflatable life raft saka hinila ng bangka mula sa Barangay Nusa.

Aminado ang grupo na nabalot sila ng takot dahil 12 oras nagpalutang-lutang sa dagat ang kanilang barko matapos na maputol ang kadena ng tugboat na humihila rito.

Bago sumadsad ang barko, hila-hila ito ng tugboat mula sa Bataan Port at dadalhin sana sa dry dock sa General Santos City.

Nakatakda namang bumiyahe pabalik sa Maynila ang crew Huwebes ng gabi.

Babalik din muna sa Iloilo ang dalawang tugboat na unang ipinadala sa Cagayancillo para humila sa barko pero paplanuhin muna ang pag-salvage at retrieval operation sa sumadsad na barko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.