Museum para sa Marawi siege, binuksan na

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 10:59 AM

Ilang nakumpiskang drones na ginamit ng Maute group para i-monitor ang galaw ng mga sundalo ang naka-display ngayon sa museum na binuksan sa publiko ng Special Operations Command.

PALAYAN CITY, Nueva Ecija – Bukas na sa publiko ang museum na naglalaman ng memorabilia hinggil sa pagpapalaya ng Marawi City sa mga kamay ng teroristang Maute group.

Makikita sa loob ng museum ang aktuwal na mapa na ginamit para pagplanuhan ang pagpapalaya sa Marawi City.

Nandoon din ang mga bandila ng teroristang ISIS, drones na ginamit para i-monitor ang galaw ng mga sundalo, at mga sira-sirang mga baril na gamit ng magkabilang panig.

May mga sulat din na makikita sa loob ng museum na ipinadala sa mga sundalo para palakasin ang kanilang loob habang nakikipagbakbakan sa kalaban at maging mga litrato ng mga sundalo at pulis na nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa kapayapaan.

Isa si Private First Class Mark Estanoco ng Special Operations Command (SOCOM) sa mga sumabak sa Marawi siege na tinamaan ng bala sa binti dahil sa pagsagip sa kasamahan.

“Yung mga kasama ko na nagsasakripisyo, tapos yung mga hostage, pag hapon nga nagdadasal kami na sana matapos na. Pagnakikita ko to OK na din po para makita pa ng mga susunod na sundalo yung pinagdaanan namin,” pahayag niya.

Maliban sa Marawi siege, nakapaskil din sa museum ang iba’t-ibang laban na sinabakan ng SOCOM.

“Makikita diyan yung different battles na lumaban tayo at kaya yung building at iba pa nakapangalan sa mga lugar na nilabanan natin… ito yung to honor yung mga successful na laban…ito yung mga sakripisyo natin,” sabi ni Major Sonny Dungca.

Kinakailangan lamang na magbigay ng pormal na request sa tanggapan ng Assistant Chief-of-Staff for Civil Military Command ng SOCOM ang nais na dumalaw sa museum.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.