Mga nagde-date sa madidilim na bahagi ng Burnham Park, pinag-iingat sa mga kawatan

Marianne Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 07:31 PM

BAGUIO CITY - Binalaan ng mga pulis Miyerkoles ang mga magkasintahan na mahilig mag-date at magpalipas ng oras sa madidilim na bahagi ng Burnham Park dito sa siyudad.

"Gabi-gabi kapag nagdu-duty kami rito, may mga nabibiktima ng mga kawatan diyan kasi may mga lasing na natutulog diyan," ani SPO3 Allan Galvan, hepe ng Mobile Patrol Tourist Police unit ng lungsod.

"Nung minsan diyan, tinakbo 'yung bag ng babae kasi busy din sila atang magyakapan. Nasa likod 'yung bag, di namalayan, tinakbo na," sabi ni Galvan.

Ayon kay Galvan, kasama na sa pagronda ng mga pulis ang pagpapauwi sa mga magkasintahan na tumatambay sa madidilim na lugar sa Burnham Park, isa sa mga tanyag na pasyalan sa siyudad. 

"'Yung mga nagde-date diyan minsan matigas talaga mga ulo. 'Pag may nakikita kami diyan, finaflashlight-an namin. Pinapauwi na namin, lalo na pag-minor, tinuturn-over namin sa may Women's Desk diyan," sabi ni Galvan.

"Kaya 'pag nag de-date lang sila diyan (Burnham Park), nagku-kuwentuhan lang, preferably, dun na lang sa may liwanag," dagdag niya.

Ayon naman sa mga lokal na opisyal, naghanda na ng P5 milyon na budget para sa pagdaragdag ng mga ilaw sa Burnham Park at iba pang mga tourist spot dito sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.