'Gloria Arroyo, di interesado maging punong ministro'

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 09:55 PM | Updated as of May 21 2019 05:28 PM

Watch more in iWantTFC

Itinanggi ng isang abogado na may balak maging punong ministro sa bagong porma ng gobyerno si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa gitna ng umiinit na paksa ng charter change ('cha-cha') ngayon, batid ni Raul Lambino ang mga usap-usapang baka pumoposisyon ang dating pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo para maging punong ministro.

Isinusulong kasi ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan tungong federal at parliamentary.

Sa panukala ng PDP-Laban, magkakaroon pa rin ng pangulo pero magkakaroon na ng punong ministro o prime minister na siya nang magpapatakbo ng gobyerno.

Giit ni Lambino, na minsang tumayong abogado ni Arroyo, at matagal nang nagsusulong ng charter change, hindi interesado rito ang dating pangulo.

"Kilala naman natin ang pagkatao ni [former] President Arroyo.
Hindi gano'n ang character nya," giit ni Lambino. "Wala siyang vested interest dito."

Nasa huling termino na si Arroyo na sumapi sa partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban.

Kanina, pinulong ni Lambino ang iba pang nagsusulong ng pagbabago ng Saligang Batas sa ilalim ng grupong Constitutional Reformers for Federal Philippines. 

Ayon kay Edmund Tayao, executive director ng Local Government Development Foundation, di dapat nakatutok lang sa kontrobersiya ang planong cha-cha.

"Kaya nga sa draft namin walang gano'ng proposal [prime minister], kasi the moment na maglagay ka ng gano'n na provision, hindi na mapapag-usapan 'yong mas malalim pa na rason kung bakit mo nga binabago 'yong sistema at porma ng gobyerno," ani Tayao.

Isinusulong ng ilang kongresista na ipagpaliban ang halalan sa 2019 at manatili sila sa puwesto pansamantala para "gabayan" ang pagbabago ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Pero tinuligsa rin ng isang kongresista ang naturang panukala.

"This is to incentivize 'yong mga third termers... Hindi ito matatanggap ng taumbayan," ani Akbayan party-list Rep. Tom Villarin.

Ayon kay Lambino, maliwanag naman ang posisyon ng partido niyang PDP-Laban, may halalan sa susunod na taon, pero sa ilalim na ng bagong Konstitusyon.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.