Chartered plane ng Bangko Sentral, sumadsad sa maling paliparan sa Albay

Karren Espiritu Canon, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 01:22 PM | Updated as of Jan 10 2018 08:50 PM

Isang chartered plane ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang sumadsad matapos mag-landing sa maling paliparan sa Bicol Miyerkoles. Screengrab

LEGAZPI CITY (UPDATE) - Sumadsad ang isang chartered plane ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos mag-landing sa ginagawa pang Bicol International Airport sa Barangay Alobo, Daraga, Albay, Miyerkoles.

Lumapag ang eroplano sa labas ng runway nang iwasan ang isang guard house na nasa gitna ng ginagawang paliparan. Sa Legazpi dapat ang landing ng eroplano. 

"Nagkamali ng landing ang eroplano. Akala daw kasi nila Legazpi City Airport na ito kaya nagulat sila nang may makitang guard house sa gitna ng runway," ani Armando Blazo, security guard ng Bicol International Airport.

Ayon sa mga awtoridad, galing sa Maynila ang eroplano at magdadala sana ng pera sa opisina ng BSP dito sa lungsod.

Sa isang pahayag, sinabi ng BSP na nakaranas ng "mechanical problems" ang eroplano bandang 11:30 ng umaga, subalit hindi na ito nagbigay pa ng ibang detalye.

Wala ring nasaktan sa mga pasahero at crew ng eroplano, ayon sa BSP, at hindi rin umano nagalaw ang lulan nitong salapi.

"The BSP is pleased to report that all passengers and crew onboard the aircraft are safe and unharmed, while the cargo is intact and secured," ayon sa BSP. 

"The BSP shall defer to the Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) and other oversight agencies responsible for the proper disposition of such incidents," ayon pa dito. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.