ALAMIN: Mga alituntunin sa field trips ipatutupad na

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 12:20 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Epektibo na ang bagong kautusan hinggil sa pagsasagawa ng off campus field trips ng mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon sa Department of Education (DepEd).

Pero ayon kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali, bagama't epektibo na ang Implementing Guidelines on the Conduct of Off Campus Activities o DepEd Order 66 na inilabas noong Disyembre 27, 2017, may mga alituntunin pa rin na dapat sundin muna ng mga paaralan bago sila payagang magsagawa ng field trips.

"We don't expect them to conduct their field trips in the next couple of weeks or months kasi dapat ito kasama sa annual improvement plan ng paaralan," sabi ni Umali. Mas inaasahan nilang mangyayari ito sa susunod na school year na.

Paliwanag ni Umali, dapat may pagpa-planong gawin ang paaralan bago ang aktibidad. Kabilang na dito ang pagdulog sa Parents-Teachers Association (PTA), pagsusumite ng proposals sa school division at kung paano nakalinya ang aktibidad sa K-12 curriculum, emergency procedures at maging ang gagamitin na bus ng mga estudyante ay iinspeksiyunin din.

Na-rebisa ng DepEd Order No. 66 ang naunang kautusan na inilabas ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones na moratorium sa mga field trips bunsod ng pagkakahulog sa bangin ng isang bus na ikinamatay ng 15 estudyante ng Bestlink College.

Paalala naman ni Umali na di dapat pilitin, i-penalize o bigyan ng project ang mga estudyante na ayaw sumama sa fieldtrips.

"Kung ano man po ang di natutunan ng bata na di sumali sa field trip dapat siguraduhin mayroon siyang karampatang session, hours para matutunan yung hindi niya natutunan," ani Umali.

Dagdag pa niya na boluntaryo din at di dapat maging pabigat pa sa mga magulang ang field trips.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.