19-anyos na binatilyo, pinagbabaril ng 15 beses sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 05:39 PM

CALASIAO, Pangasinan - Patay ang isang 19-anyos na lalaki matapos paulanan ng bala ng mga 'di pa nakikilalang suspek sa Sitio Balani, Martes ng gabi.

Agad na ikinamatay ng biktimang si Dexter Untalan ang tinamo niyang 15 na tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa mga saksi, magbabalik sana ng hiniram na helmet mula sa isang kaibigan si Untalan ng tambangan ito ng dalawang salarin na lulan ng isang motorsiklo.

Isa sa mga tinitingnang motibo sa pagpatay ay ang mga ilegal na gawaing kinasasangkutan umano ni Untalan.

"Sangkot kasi ito sa nakawan. Isa pang motibo is 'yung nanay niya, dati nang nahuli sa drugs din," ani Chief Insp. Christopher Valerio, Deputy Chief of Police ng Calasiao.

Giit ng mga kaanak ng biktima, hindi nila alam kung totoong sangkot sa mga ilegal na gawain ang pinaslang na binatilyo.

"Wala akong alam. Ang hiling ko lang hustisya kasi para namang manok na pinatay 'yung apo ko," ani Imelda Meneses, lola ng biktima.

Bagama't walang CCTV sa lugar, mayroon nang suspek ang mga pulis.

Patuloy na iniimbestigahan ang kaso na naitala bilang ikatlong insidente ng pamamaril dito sa bayan sa loob lamang ng 2 linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.