10 milyong pinakamahihirap, may P200 ayuda dahil sa tax reform

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 06:55 PM | Updated as of Jan 15 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihahanda na ang pamamahagi ng dagdag na P200 ayuda kada buwan para sa 10 milyong pinakamahihirap na pamilya at senior citizens kasabay ng pagpapatupad ng reporma sa buwis o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Bukod kasi sa pagbabago sa sistema ng buwis, mayroon ding probisyon ang TRAIN na nagtatakdang 10 milyon sa pinakamahihirap na pamilya at indibidwal sa bansa ang makatatanggap ng P200 subsidiya kada buwan. 

Ito ay isa sa "safety nets" o proteksiyon para sa mga mahihirap, at para matulungan silang makahabol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasunod ng mga bagong ipapataw na buwis sa mga produkto.

Kasama sa 10 milyong makatatanggap ng ayuda ang 4.4 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kabilang din sa bibigyang ayuda ang 2.8 milyong indigent o mahihirap na senior citizens, habang 2.8 milyong iba pang pamilya ang pipiliin mula sa listahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naging basehan din noon sa pagpili ng mga makakasama sa 4Ps.

Ayon kay DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco, halos dalawang milyong benepisyaryo ng 4Ps, na mayroon nang mga cash card, ang mauuna nang makatanggap ng karagdagang subsidiya ngayong buwan.

'Yong iba namang wala pang cash card, posibleng sa Marso pa simulang makatanggap ng dagdag-ayuda.

Sa susunod na dalawang buwan naman masisimulang makakuha ng karagdagang P200 ang mga indigent senior citizens na kasalukuyang tumatanggap ng P500.

Binibigyan naman ni Leyco ang ahensiya ng tatlong buwan para beripikahin ang listahanan at pumili ng halos tatlong milyong bagong pamilya para sa subsidiya. 

Nariyan na rin aniya ang pondo para sa dagdag-ayuda kaya target na pagsapit ng Hunyo, lahat ng pinakamahihirap na Pinoy ay nakakatanggap na ng P200 subsidiya.

Gayunman, kahit hindi pa natatanggap ang ayuda, may mga nagrereklamo nang kulang ang P200 sa pagtaas ng mga gastusin.

Ayon kay Gertrudes Naguit, mayroon siyang maintenance na gamot na nagkakahalaga ng P30 kada araw. Mukhang pang-ilang araw na gamutan lang ang aabutin ng P200.

Sa tantiya naman ni Mario Valdez na nagpapaaral ng mga anak, maaaring pang-isang araw lang ang P200 dahil bukod sa baon sa eskuwelahan ng mga pinapaaral, nariyan din ang gastos sa kakainin ng pamilya sa buong araw.

Tingin naman ng iba, maigi na ang P200 kaysa wala.

Tulad ni Juliet Muyro, na dati nang nakatatanggap ng conditional cash transfer mula sa gobyerno, nagulat at tila natuwa rin nang malamang madaragdagan pa ang tulong pinansiyal na kaniyang nakukuha.

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.