1,200 pamilya nasunugan sa Navotas fishport

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2017 08:31 AM

MANILA - Nawalan ng tahanan ang nasa 1,200 pamilya matapos masunog ang isang hilera ng bahay sa Market 3 sa Navotas Fishport Complex, Martes.

Dakong alas-4 ng umaga sumiklab ang apoy at mabilis na kumalat sa mga bahay na gawa sa light materials.

Agad na iniakyat ang alarma ng sunog sa Task Force Alpha, dahilan para rumesponde sa insidente ang nasa 30 fire trucks mula sa mga karatig lungsod.

Sa gitna ng sunog, binalot ang palengke ng makapal na usok na lalo pang pinalakas ng hangin mula sa katabing dagat.

Nagkumahog naman ang ilang mga residente na balikan ang kanilang mga nasusunog na tirahan para magsalba ng mga gamit at kalakal.

Nakatanggap din ng reklamo ang pulisya ukol sa nakawan ng mga TV at ilang appliance.

Dalawang lalaki ang kinumpronta ng isang barangay tanod dahil sumasama sila sa mga nangangalakal ng nasusunog na gamit kahit pa hindi sila residente ng lugar. Itinaboy sila ng mga awtoridad.

Tinatayang 600 bahay ang nasunog bago maapula ang apoy alas-7:10 ng umaga.

Bukod sa mga damit, pagkain at paunang pangangailangan, nananawagan ang mga residente ng tulong na kagamitan para makapagtayo muli ng kanilang mga bahay at kabuhayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.