PatrolPH

Umano'y dating rebelde, patay sa pamamaril sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2022 03:52 PM

Larawan mula sa Barcelona Municipal Police Station.
Larawan mula sa Barcelona Municipal Police Station.

Isinugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay ang isang lalaking dati umanong rebelde matapos pagbabarilin habang nakasakay ng tricycle sa Barcelona, Sorsogon nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Romeo France, residente ng Barangay Poblacion Sur ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Capt. Rey John Renoria, hepe ng Barcelona Municipal Police Station, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang nasa likod ng pamamaril sa Barangay Luneta, bandang alas-8 ng gabi, ilang oras bago ang election gun ban. 

Aniya, binaril nang malapitan ang biktima habang nakahinto ang sinasakyang topdown tricycle palabas ng Maharlika Highway.

Nakaligtas naman ang lima pang sakay ng tricycle, na kasama ng biktima sa pag-deliver ng mga panambak na buhangin malapit sa pinangyarihan ng insidente.

"'Yung diniskargahan nilang buhangin, may papasok 'yun na kalsada. Pero palabas na sila ng kalsada that time nung mangyari ang insidente," ani Renoria.

"Nung palabas na sila sa national road, siyempre nagmenor. Dun na may lumapit na dalawang lalaki at binaril yung biktima. Kasi nakaupo lang sa sidecar yung biktima. Medyo madilim din sa lugar," dagdag pa niya.

Pitong basyo ng M16 ang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa pulisya, dating rebelde umano ang biktima na pormal umanong sumuko sa gobyerno noong 2018.

Patuloy pa ang imbestigasyon kung may kinalaman sa pagiging dating rebelde nito ang motibo ng krimen.

— Ulat ni Karren Canon

KAUGNAY NA ULAT MULA SA ARCHIVES:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.