PatrolPH

Traslacion 2022: Walang dagsa ng mga deboto sa Quiapo Church

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2022 10:11 AM | Updated as of Jan 09 2022 08:14 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Hindi gaya noong mga nakaraang taon, walang dagsa ng mga deboto sa Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church) sa Maynila sa paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong Linggo.

Magugunitang sinuspende ang pagdaraos ng mga pisikal na aktibidad, kabilang ang mga Misa, sa Quiapo Church bilang pag-iingat sa gitna ng pagsipa ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Inilabas ng simbahan ang replica ng Itim na Nazareno sa harap ng kanilang gusali.

May ilang debotong nagtangkang lumapit sa simbahan at makinig ng Misa, pero pinauwi rin sila ng mga nakabantay na pulis.

Isa rito si Dominic, na naging deboto ilang linggo bago mag-umpisa ang pandemya noong 2020.

Bagaman nalulungkot sa naging pagdiriwang ngayong taon, naiintindihan naman umano niya kung bakit kailangang suspendehin ang tradisyon.

"Masakit po ginawa nila, lalo na 'di masisilayan o mahawakan sa fiesta ng Itim na Nazareno," ani Dominic.

Ayon naman kay Don Almano, nagpursigi siyang makakinig ng Misa kahit ipinagbabawal dahil nais niyang ilapit ang hiling para sa ina.

"Kasi nagka-brain tumor (ang ina). Nahirapan siya magsalita at maglakad. Pero dahil sa Nazareno, unti-unti siyang lumalakas," aniya.

Naniniwala si Almano na iba pa rin ang pisikal na Misa sa online.

"Importante dahil 'yong presence, na andoon ako, mas intense pagdadasal," paliwanag niya.

Pero mayroon ding mga debotong gaya ni Mirabel na naniniwalang pareho lang ang pisikal at online na Misa.

"Sa pananampalataya lang din po iyon," ani Mirabel, na tatlong taon nang lumalaban sa cancer.

Dalawang beses na umanong naoperahan si Mirabel dahil sa sakit at nagpapasalamat siya sa Poong Nazareno sa paggabay nito.

Sa Misang pinangunahan nitong madaling araw ng Linggo ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, sinabi niyang hindi kailangang lumapit ng mga deboto sa imahe ng Nazareno dahil mismong si Hesus ang lumalapit sa kanila, sa kanilang mga pamilya at tahanan.

Ayon pa kay Advincula, naiintindihan ni Hesus ang pinagdadaanan ng mga Pilipino ngayon, kasama ang mga may sakit, naka-quarantine, health worker, at iba pa.

"Naiintindihan Niya ang pagtitiis ng may mga sakit at naka-quarantine. Nararamdaman Niya ang pagod at stress ng mga health workers. Nauunawaan ang pagsisikap ng mga mahirap. Nakikita Niya ang mga sakripisyo ng mga tapat na lingkod bayan," ani Advincula.

Sa kabila ng mga kanseladong pisikal na Misa, tuloy ang mga online Mass kada oras hanggang alas-9 ng gabi.

Sa isang pahayag para sa paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno, hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na patuloy na ipagdasal ang pagbangon ng bansa at sangkatauhan mula sa COVID-19 pandemic.

"Although we may not be able to take part in the usual Traslacion activities... let us keep on demonstrating our faith by praying for our country's recovery and for humanity's complete healing, especially from the ill effects of the COVID-19 pandemic," ani Duterte.

Noong nakaraang taon, kanselado rin ang prusisyon ng Traslacion dahil sa COVID-19 pero pinayagan ang mga deboto na dumalo sa mga pisikal na Misa sa loob at paligid ng Quiapo Church.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.