'New normal' na Traslacion, nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2021 05:57 AM

MAYNILA - Ibang-iba ang Traslacion ngayong taon kumpara sa mga nakalipas na taon. 

Noon, ganitong oras nag-aabang tayo kung saan na ang imahen ng Poong Nazareno. Pero ngayon, walang prusisyon kahit na marami pa rin ang pumunta sa simbahan ng Quiapo. 

Madaling araw ng Sabado ay mahaba ang pila para sa gustong makapasok sa loob ng simbahan. Alas 4 ng umaga binuksan ang simbahan at maayos naman ang pagpasok ng mga deboto dahil todo bantay ang mga pulis at mga volunteers. 

Alas 4:30 ng umaga ang unang misa ni Manila Bishop Broderick Pabillo. Maraming tao pero hindi naman sobrang siksikan kumpara sa nakalipas na mga taon. 

Bawal ngayon ang naka-yapak o walang sapatos, at bawal din ang magdala ng malaking mga imahen ng Nazareno. Hindi rin pwede ang mga backpack at bote na hindi transparent.--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News