PatrolPH

NBI kumuha ng tissue samples sa labi ni Dacera para sa forensic test

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2021 07:00 PM | Updated as of Jan 10 2021 12:36 AM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Pasado alas-5 Sabado ng hapon nang dumating sa General Santos City si NBI deputy-director Ferdinand Lavin kasama ang iba pang mga forensic team mula Maynila, Davao City at General Santos City. 

Nagsanib-pwersa sila para pag-aralan ang mga nakuhang specimen mula kay Christine Dacera para sa isinasagawa nilang imbestigasyon. 

Bagamat contaminated na ang ibang bahagi ng katawan o pieces of evidence, pipilitin pa rin daw ng forensic team an suriin itong mabuti para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng flight attendant. 

Ang mga nakolektang tissue sample ay dadalhin sa Maynila para dumaan sa mga laboratory process. 

May kinuha ring kit o regimen ang NBI mula sa Philippine Drug Enforcement Agency para naman sa preliminary run ng pagsusuri kung may mga droga sa mga specimen sample.

Nanawagan din sa Lavin sa mga nakasama ni Dacera noong Enero 1 na kung pwede ay makiisa sila sa imbestigasyon para mabigyang-linaw ang lahat. 

Aabutin daw ng isang linggo o higit pa ang series of tests and laboratory runs sa mga specimen na nakuha para lumabas ang mga resulta nito. 

Kung may resulta at dahilan para imbitahan ang mga nakasama ni Dacera noong kaniyang mga huling oraw ay gagawin daw ito ng NBI. Kung wala na raw lalantad na testigo, magiging evidence-based investigation na lang ito. 

Sinabi rin ni Lavin na ang mga sinuri nilang kuwarto sa City Garden Hotel sa Makati ay 2207 at 2009 pero isinasapinal pa nila ang listahan kung sinu-sino ang mga occupant ng partickular na kwarto noong bisperas ng bagong taon.

Siniguro rin ng NBI na ang pagbuo nila ng kaso ay base sa forensic o scientific evidence na hawak ng death investigation division ng NBI.

At dahil inabot ng higit 4 na oras ang proseso ng NBI, ang mga kaanak at kaibigan na nais bumisita ay bigong makita ang mga labi ni Dacera. 

Ang iba ay umuwi na lang at babalik na lang sa Linggo, Enero 10, para makipaglibing. 

Ang iba ay maghihintay daw hanggang maibalik ang mga labi sa loob ng Chapel. 

Inalala ng mga kaklase at guro ni Dacera ang pagiging masayahin nito at ang kanyang kabutihan at kagalingan sa eskwela

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.