MAYNILA - Natukoy na ng Bureau of Fire and Protection ang lalaking pasaherong umano’y nanunog ng konduktora ng bus sa Fairview, Quezon City.
Ayon kay BFP Quezon City operations chief Joseph Del Mundo, kinilala ang lalaki na si Edwin Dejos, 49.
Dati umanong ka-live in ng konduktora ang lalaki. May 3 anak din umano sila.
"Ang alam lang po nila is parang love triangle iniwanan po kasi ng
babae yung kanyang kinakasama tapos nalaman daw na lang na meron ng kinakasamang bago 'yun ay may nanliligaw na bago yung kundoktor,” ani Del Mundo.
Enero 3 nang mamatay ang konduktora na si Amelene Sembrana at si Dejos sa insidente.
Ayon sa driver ng bus, may binuhos ang pasahero sa konduktora na naging sanhi ng pagliyab. Apat ang nasugatan sa insidente.
Mabait na anak kung ilarawan ng ama ni Sembrana na si Orland sa kaniyang anak.
Palaisipan para sa kaniya kung paano may nakaalitan ang anak.
Problemado rin ang pamilya kung paano bubuhayin ang 9 na naulilang anak ni Sembrana. Dismayado rin ang pamilya sa bus company kung saan 3 taong nagtrabaho ang biktima.
"Wala man silang representative kahit pumunta dito wala, ang sinagot lang nila ‘yung sa punerarya yung ano samin kahit tulong lang na kahit ano lang walang inabot kahit 5 samin,” ani Orlando.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamunuan ng bus.
Nanawagan naman ang BFP-Quezon City sa mga bus company na maghigpit sa mga pasahero.
Ililbing sa Enero 10 si Sembrana. — Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, QC bus fire, QC bus fire case update, Fairview bus fire, TV Patrol, love triangle